Munting Tinig

Pagkiskis ng bakal ang gumising sa mahimbing kong pagkakatulog. Matinis na ingay ang bumalot sa paligid. Madilim…wala akong makita kahit ano.  Maya-maya’y may liwanag akong natanaw mula sa isang maliit na butas. Napangiti ako. Nagalak.

Kasabay sa pagbuka ng butas ang lalong paglakas ng ingay mula sa labas. May lalakeng tumatawa. May babaeng umiiyak. Di ko masyadong maintindihan ang sinisigaw niya…aaa…a…a…basta puro aa!

May isang matandang babae akong natanaw mula sa maliit na uwang. Sumilip din naman ako, gusto kong mag-‘hi’ pero mukhang masungit ata. Sa muli kong pagkurap, bigla na lamang akong nakaramdam ng haplos ng malalamig na bakal. Akala ko, ganun talaga ‘yon. Pero maya-maya’y bumilis ang paghaplos. Dumiin. Sumakit. Gusto kong gumalaw. Gusto kong pumiglas kaya lang may humihila na sa akin. Sa sobrang lakas, nalagas na ata ang ilang piraso kong buhok. Masakit, gusto kong umiyak. Akala ko nga ay madudurog ang mga kamay ko sa higpit ng pagkapit ng mga bakal na ‘yon. Pero, sumama na lang ako…

Excited na kasi akong lumabas, lagi ko ngang sinisipa si Mommy e. Sa isip-isip ko makakalabas na ko! Paglabas ko, kakain ako ng ice cream! Magpapabili ako ng lollipop kay Mommy tapos iki-kiss ko siya. Papasan ako kay Daddy. Makakatakbo na ko nang mabilis na mabilis. Makakapaglaro na ako doon sa park na lagi naming tinatambayan ni Mommy…sa may madaming masasaya at nagtatawanang bata. Oo,gusto ko doon! Tapos kakanta ako. At sa wakas, masasambit ko na rin ‘yung matagal ko nang pina-praktis!… mmm..maa-ma…ppp…Pa-pa! Masaya ako. Paglabas ko, yayakapin ko sila!!!

Pero… hindi… paglabas ko, nasilaw ako sa liwanag. Hindi ko sila nahagkan. Bumagal nga iyong tug-tug-tug-tug dito sa may dibdib ko. Hiniga ako ng matanda sa isang tissue. Napaluha ako kasi si Mommy ko ata ‘yon, nakita ko umiiyak din. Gusto kong pumunta sa kanya para mayakap ko siya pero binuhusan ako ng tubig ng matandang babae. Tapos nilagay ako dito sa parang salamin na lalagyan tsaka tinakpan. Dito ata talaga nilalagay ang mga baby e. Nangangawit na nga itong buong katawan ko kakabaluktot, mas maliit kasi itong pinaglalagyan ko ngayon kaysa sa tiyan ni Mommy.

Nasaan na kaya sila Mommy at Daddy? Nakatulog lang ako, iniwan na kaagad ako. Gusto ko makita na nila ako ngayon. Kasi…kasi…tuwing may nakakakita sa akin, lagi na lang nila akong pinandidirian. Kitang-kita ko nga sa mga mata nila na ayaw nila sa akin. ‘Yung iba nga, natatakot pa lalo na iyong mga batang estudyante. Bakit? Hindi ba ako cute? Nakakadiri ba ako?…Kung alam lang nila katulad ko din dapat sila.

Hihintayin ko na lang Mommy’t Daddy ko. Mahal nila ako. Makakalimutin lang talaga sila, pero babalikan nila ako. Akala ko makakapaglaro na ako, tulog na nga lang ulit ako.Waiting in Vain

Comments are closed.